CAUAYAN CITY – Tinututukan ng Department of Health (DOH) region 2 ang lunsod ng Cauayan at iba pang bayan na may pagtaas ng kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Rio Magpantay, panrehiyong direktor ng DOH region 2 na bumababa na ang mga kaso sa Lambak ng Cagayan subalit may mga lugar na kailangang tutukan tulad ng Lunsod ng Cauayan.
Ayon pa kay Dr. Magpantay, ang pagkakasali ng Lunsod ng Ilagan sa mga critical areas sa bansa sa usapin ng COVID-19 ay dati na lamang dahil bumaba na ang naitatalang kaso.
Ang kailangan nilang tutukan ngayon ay ang Lunsod ng Cauayan dahil sa pagtaas ng mga nagpopositibo sa virus.
Kaugnay nito ay nakatakda silang makipag-dayalogo bukas sa pamahalaang Lunsod ng Cauayan para pag-usapan ang kakayahan nilang magsagawa ng contact tracing, saan ilalagay ang mga magpopositibo at isagawa ang analysis kung paano nagkaroon ng transmission sa lunsod at kung ano ang mga protocol na ipinapatupad sa mga barangay.
Nilinaw ni Dr. Magpantay, pinag-aaralan pa lamang nila kung mayroon nang community transmission sa lunsod ng Cauayan.
Samantala, sinabi ni Dr. Magpantay na may itinayong isolation unit ang DOH region 2 para matulungan ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Cagayan.
Aniya, gagawin sana itong testing center pero dahil sa kakulangan ng mga kagamitan at mga tauhan ay ginawa muna nilang isolation unit.
Mayroon itong 51 na bed at matatagpuan sa government center sa Lunsod ng Tuguegarao.











