CAUAYAN CITY – Magpapatupad ng 6 na araw na lockdown ang pamunuan ng Isabela State University (ISU) Main Campus upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 matapos na isang faculty member na nagpositibo sa virus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Ricmar Aquino, President ng ISU system na isang faculty ng College of Nursing ang nagpositibo sa COVID-19 matapos lumabas ang resulta ng swab test.
Ipinag-utos din niya ang pagpapatupad ng strict home quarantine sa lahat ng mga faculty members ng College of Nursing na nagsimula noong ika-26 ng Oktobre 2020.
Nilinaw ni Dr. Aquino na sa walong faculty member ay negatibo sa rapid test ang apat habang ang apat ay kukunan pa ngayong araw ng rapid test.
Ang apat na faculty member ay ang direct contact ng nagpositibo sa virus.
Sinabi pa ni Dr. Aquino na nagpalabas na siya ng kautusan na isailalim sa lockdown ang buong campus upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa main campus ng ISU.
Ipatutupad nila ang 6 na araw na lockdown mula Novemver 3-9 ng Nobyembre 2020 ngunit kung kinakailangan ay palalawigin ang lockdown.
Ito ay para bigyang daan ang isasagawang disinfection sa unibersidad.
Ayon kay Dr. Aquino, habang nasa lockdown ang ISU main campus ay tuluy-tuloy din ang strict home quarantine ng mga faculty member ng College of Nursing at patuloy ang kanilang work from home.
Ang pahayag ni Dr. Ricmar Aquino.












