
CAUAYAN CITY – Isinailalim sa 10 araw na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Jones, Isabela matapos na makapagtala ng labing-isang COVID-19 positive.
Nagkabisa ang MECQ kagabi at tatagal hanggang Nobyembre 20, 2020.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Administrator Jun Felipe ng Jones, Isabela, sinabi niya na patuloy ang kanilang contact tracing at mayroon nang natukoy na 87 na close contact ang 11 na nagpositibo sa virus.
Mayrooon aniyang isang Authorized Person Outside Residence (APOR) na nagpunta sa Jones at San Agustin, Isabela ang nagpositibo sa virus kaya agad silang nagsagawa ng contact tracing sa mga nakasalamuha niya at may nagpositibo sa kanila.
Hindi alam ng nasabing APOR na siya ay positibo sa virus at dahil sa kanyang trabaho ay kailangan niyang pumunta sa bayan ng Jones at nahawaan ang kanyang mga nakasalamuha.
Ang iba namang nagpositibo sa COVID-19 ay nahawa sa Locally Stranded Individual (LSI) na nasa kanilang isolation unit.
Ayon kay Municipal Administrator Felipe, kailangang isailalim sa MECQ ang kanilang bayan upang maagapan ang pagkalat ng virus.
Ang dalawa sa mga nagpositibo ay nasa Echague District Hospital habang ang ilan ay nasa kanilang municipal isolation unit.










