CAUAYAN CITY – Nagsanib ng puwersa ang iba’t ibang grupo ng mga kabataan sa Cauayan City para makalikom ng donasyon para sa mga residente na sinalanta ng pagbaha dulot ng bagyong Ulysses.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Matt Rhodney Matias, isa sa mga finalist ng Outstanding Students of the Philippines at miyembro ng Sangguniang Kabataan, residente ng Reyes Subdivision, Cauayan City, sinabi niya na mula noong araw ng Huwebes, November 12, 2020 ay tuluy-tuloy ang pagdagsa ng donasyon mula sa mga residente at mga volunteers na nais magpaabot ng tulong sa mga residenteng binaha.
Aniya nakalikom na sila ng 200,000 pesos mula sa iba’t ibang individual mula sa loob at labas ng bansa.
Dahil sa pagbuhos ng mga donasyon ay napuno na ang tatlo nilang storage kaya mas pinaprayuridad nila ngayon ang cash donation.
Sinabi niya na nakapagbigay na sila ng 29 na relief packs sa barangay Cabaruan, 78 sa Mabantad, 160 sa San Luis at 160 rin sa Turayong, Cauayan City.













