
CAUAYAN CITY – Nagpalabas ng Executive Order (EO) ang pamahalaang Lunsod ng Cauayan may kaugnayan sa suspension ng klase ng mga mag-aaral sa lahat ng level sa public at private schools mula ngayong araw, ika-16 ng Nobyembre hanggang sa ika-20 ng Nobyembre 2020.
Ito ay upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente pagkatapos ng pagbaha.
Batay sa Executive Order no. 94-2020 na ipinalabas ni Mayor Bernard Dy, kabilang sa mga binanggit na dahilan kaya sinuspinde ang klase ng mga mag-aaral ay dahil sa pagkasira o pagkabasa ng kanilang mga learning modules.
Bukod dito ay apektado rin ang internet connection, communication infrastracture at iba pang pangangailangan sa pag-aaral ng mga estudyante.
Pinayuhan ng pamahalaang lunsod ang mga guro na palawigin muna ang nakatakdang deadline ng iba’t ibang school activities at paper works para sa mga estudyante.










