CAUAYAN CITY – Umabot sa halos 1 billion pesos ang pinsalang dulot ng malawakang pagbaha sa sektor ng agrikultura at livestock sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA) region 2 na aabot sa mahigit 994,466,000 ang nasira sa palay, mais, high value crops at livestock dahil sa malawakang pagbaha na dulot ng bagyong Ulysses.
Nangunguna sa nagtamo ng malaking pinsala ang mga palay na mahigit 759,800,000 habang sa mais ay mahigit 127 million, sa high value crops ay mahigit 95 million at livestock na mahigit 11 million.
Sinabi ni Regional Executive Director Edillo na agad silang magkakaloob ng rehabilitation and recovery assistance para matulungan ang mga naapektuhang magsasaka.
Ang pondo na ibibigay sa mga apektadong magsasaka ay mangggagaling sa inilaang pondo ng DA para sa dry season.
Magbibigay ang DA region 2 sa mga magsasaka ng abono at libreng inbred at hybrid na binhi sa palay at hybrid corn seeds ngunit paparating pa lamang.
Sinabi pa ni Regional Executive Director Edillo na ang Isabela ang nagtamo ng pinakamalaking halaga ng mga nasirang palay at mais at halos 12,000 magsasaka ang naapektuhan,
Sa lalawigan naman ng Cagayan ay halos 11,000 na magasasaka habang mahigit 7,000 sa Nueva Vizcaya at mahigit 3,000 sa lalawigan ng Quirino.











