CAUAYAN CITY – Nagsimula na ang operasyon ng Diagnostic and Molecular Laboratory ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City matapos ang halos apat na buwan mula nang pinasinayaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Emmanuel Salamanca, OIC Medical Center Chief ng SIMC, sinabi niya isang linggo na ang nakalipas mula nang magsimula ang operasyon ng Diagnostic and Molecular Laboratory ng pagamutan matapos na makapasa sa proficiency test ng Department of Health (DOH).
Sa kasalukuyan ay ang mga specimen sample pa lamang na galing sa kanilang ospital at ilang specimen sample na mula sa lalawigan ng Quirino ang nasusuri.
Dahil ito sa isinasagawa pang pagsasaayos sa kanilang serbisyo pangunahin na sa validation ng mga test kits na ginagamit.
Batay sa kanilang pathologist, aabot sa 150-200 specimen sample bawat araw ang puwedeng suriin ng laboratoryo kapag ganap na ang operasyon ng pasilidad.
Kaugnay nito ay prayoridad ng laboratoryo ang mga specimen sample na mula sa mga Covid-19 suspect cases at mga specimen sample ng mga frontliners.
Aasahan na ang timog na bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya at ilang bahagi ng Ifugao ang mabibigyan ng serbisyo ng Diagnostic and Molecular Laboratory ng SIMC.












