--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na umaasa ang nanay ng binatang dinukot noong ika-20 ng Nobyembre 2020 malapit sa water district sa District 2, Cauayan na makikita pa rin ang anak.

Humihiling ng tulong ang pamilya ng biktima na si Jaymark Marcos, 18 anyos at residente ng Cabaruan, Cauayan City para siya ay matagpuan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Arsenia Calucag ay ikinuwento niya ang mga pangyayari nang dukutin ang kanyang anak.

Batay aniya sa kuha ng CCTV ay dati nang sinusundan ang kanilang tricycle nang nagtungo sila sa korte at nang pauwi na sila ay hinarang sila ng isang itim na kotse at agad silang tinutukan ng bumabang tatlong armadong lalaki.

--Ads--

Wala na silang nagawa nang tangayin ang kanyang anak dahil armado ang mga suspek.

Nanawagan si Gng. Calucag sa mga nakakita at may nalalaman sa pagdukot na makipagtulungan sa mga otoridad upang matagpuan ang kanyang anak.

Ayon kay Ginang Calucag, una nang pinagtangkaan na dukutin si Jaymark noong buwan ng Oktubre 2020 sa mismong kanto ng kanilang bahay subalit nakapalag ang kanyang anak.

Wala pang masabi ang ginang kung sino ang mga suspek dahil wala siyang sapat na ebidensiya.

Ang pahayag ni Ginang Arsenia Calucag.

Samantala, hindi naniniwala si Gng. Calucag na sangkot ang kanyang anak sa pagpaslang kay Aize Rafael Dalupang, 18 anyos gulang at residente ng municipal housing sa San Fermin, Cauayan City.

Nakahanda silang humarap sa korte upang mapatunayan na hindi sangkot ang kanyang anak sa naturang krimen.

Posible umanong isinasangkot si Jaymark dahil kaaway niya ang tatlong suspek sa pagpatay kay Dalupang.

Patuloy na iniimbestigahan ng Cauayan City Police Station ang pangyayari at mayroon na silang mga persons of interest batay na sa pakikipag-ugnayan sa magulang ng biktima.