CAUAYAN CITY – Umabot sa mahigit 19 million pesos ang pinsala sa poultry at livestock sa Isabela dahil sa malawakang pagbaha na dulot ng bagyong Ulysses.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Angelo Naui, Provincial Veterinary Officer ng Isabela na umabot sa P19,223,166 ang pinsala sa mga alagang hayop ng bagyong Ulysses sa lalawigan.
Sa kalabaw ay nasa 80 ang namatay na nagkakahalaga ng P2,767,839 at may 64 na magsasaka ang apektado.
Sa baka ay 148 na nagkakahalaga ng P4,457,211 at nasa 103 na magsasaka ang apektado.
Aabot naman sa 212 ang namatay na kambing na may halagang P704,680 habang 86 na magsasaka ang apektado.
Mayroon ding namatay na karnero na umabot sa 29 at may halagang P136,357 habang apat na magsasaka ang apektado.
Sa baboy ay aabot sa 311 ang namatay na nagkakahalaga ng P1,769,268 at 77 na magsasaka ang apektado.
Sa poultry ay umabot sa 39,862 ang namatay na may halagang P9,387,740 at 829 na magsasaka ang naapektuhan.
Sa kabuuan ay may 40,642 ang namatay na nagkakahalaga ng P19,223,166 at 1,163 na magsasaka ang apektado.
Ayon kay Dr. Naui, naitala ang mga namatay na alagang hayop sa 18 na bayan at lunsod na kinabibilangan ng Cabagan, Lunsod ng Cauayan, Lunsod ng Ilagan, Delfin Albano, Tumauini, Sta. Maria, Naguilian, Reina Mercedes, San Mariano, Alicia, Cabatuan, Ramon, Cordon, Sa Agustin, Burgos, Luna, San Manuel at Echague, Isabela.
Aniya, karamihan sa mga namatay ay inaalagaan sa backyard o bakuran.
Naisumite na nila ito sa Department of Agriculture (DA) at umaasa sila na mapapabilang din sa rehabilitation program ang mga magsasakang nawalan ng mga alagang hayop dahil sa malawakang pagbaha.











