CAUAYAN CITY– Iminungkahi ng pamunuan ng Integrated Bar of the Philippines o IBP na sa halip na buwagin ang Party List sa bansa ay iimprove na lamang at ibalik sa dati nitong konsepto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo Cayosa, pangulo ng IBP na naiintindihan nila ang pangulo kung gusto niyang buwagin ang mga party list subalit naniniwala siya na sa halip na buwagin ay muli na lamang itong ilagay sa constitution at palakasin ang konsepto.
Aniya, kung titignan ang konsepto ng party list ay maganda dahil isa sana ito sa pamamaraan ng mga sektor na hindi kayang sabayan ang mga political parties na mayayaman para magkaroon ng boses sa kongreso.
Pero nasira ang konseptong ito dahil sa naging desisyon ng korte suprema na pwede ang kahit na sinong maging representante nang magkaroon ng petisyon at kinuwestiyon ang mga lehitimong marginalized group at natuklasang mga mayayaman at politiko ang may hawak.
Dahil dito, nasa halos 90% lamang sa mga party list ngayon ang hindi kabilang sa marginalized sector.
Ayon kay Atty. Cayosa, hanggat hindi ito naitatama sa ammendments ng constitution ay ang desisyon ng korte suprema ang mamamayani.
Dagdag niya na huwag na itong ibalik sa korte suprema dahil mabagal silang magdesisyon sa halip ay isama na lamang sa charter change at baka sakaling maihabol pa bago matapos ang termino ni pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman ay batid nilang mahirap itong isakatuparan dahil siguradong haharangin ng mga politiko na gumagamit sa party list kaya dito na dapat ipakita ng pangulo ang kanyang political leadership.











