CAUAYAN CITY – Labis na ikinatuwa ng sinuspinding barangay kapitan ng Rang-ayan, Mallig, Isabela ang pagbaliktad ng Sangguniang Panlalawigan sa anim na buwang suspension na ipinataw sa kanya ng Sangguniang Bayan bilang tugon sa kanyang apela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Narciso Mejia ng Rang-ayan, Mallig, sinabi niya na nagpapasalamat siya sa Sangguniang Panlalawigan dahil sinuportahan ang kanyang apela.
Aniya, nag-ugat ang pagsuspindi sa kanya ng anim na buwan na nagsimula noong Hunyo 2020 sa paratang na hindi umano niya ginawa ang kanyang tungkulin kaugnay sa curfew hours at liquor ban nang ipatupad ang Luzonwide lockdown dahil sa COVID-19.
Sinampahan siya sa Sangguniang Bayan ng kasong Gross and Habitual Negligence of Duty na mariin naman niyang pinabulaanan dahil hindi siya nagpabaya sa kanyang tungkulin bilang barangay kapitan.
Hinala niya na maaring may halong pulitika ang nangyari sa kanya dahil hindi niya kaalyado ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Mallig maging ang kanilang punong bayan.
Ayon kay Barangay Kapitan Mejia, masaya siya sa desisyon ng Sangguniang Panlalawigan dahil nakamit niya ang hustisya kasama ang kanyang pamilya at kanilang barangay.
Hiling lamang niya na sana hindi na ito mangyari sa mga susunod na araw at sana maging patas ang mga opisyal ng kanilang bayan sa kanilang mga nasasakupan.
Hindi naman niya itinanggi na mayroon siyang tampo sa nangyari dahil tao lamang siya at may pakiramdam.
Kaugnay naman sa kanyang sahod na hindi niya natanggap dahil sa kanyang pagkakasuspindi, sinabi ni barangay kapitan Mejia na saka na lamang niya iisipin kapag naayos na niya ang kanyang barangay.
Samantala, iginagalang ng nagreklamo kay barangay kapitan Mejia ang pasya ng Sangguniang Panlalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Liga ng mga Barangay President Alberto Battung ng Mallig na iginagalang niya ang desisyon ng Sangguniang Panlalawigan na baliktarin ang suspension order laban kay Barangay Kapitan Mejia.
Aniya, kung nakapunta sana ang barangay kapitan noong ipinatawag siya na dumalo sa session ng kanilang Sangguniang Bayan ay nabigyan siya ng tiyansa at maaaring 60 days lamang ang ipinataw na suspension sa kanya.
Dahil dito, hindi na nagsagawa ng session ang Sangguniang Bayan at agad na nagdesisyon na siya ay guilty.
Ayon kay LMB President Battung, nag-ugat ang kanyang reklamo sa mga paglabag sa ECQ guidelines tulad ng pagbebenta ng alak, curfew hours at liquor ban.
Bago siya naghain ng reklamo ay maraming nahuhuli sa naturang barangay kaya nagsagawa sila ng pagsisiyasat kasama ang pulisya para sa preliminary inquiry.
Ilan sa mga barangay kagawad at ang treasurer ng naturang barangay ang naging saksi at inamin naman ito ni Kapitan Mejia ngunit nang hingin ang kanyang mga verified answer ay denied lahat ang nakalagay.
Ayon kay Battung, ang ginawa niya ay trabaho lamang, walang halong pulitika at walang personalan dahil dumaan naman ito sa tamang proseso.
Kaugnay sa sahod ni Barangay Kapitan Mejia ay dapat lamang na maibalik kaya sinabihan na niya ang naging Officer-in-Charge (OIC) sa naturang barangay na ibalik niya ang napunta sa kanya na sahod ng sinuspinding barangay kapitan.
Ngayong Enero 2021 ay babalik na sa puwesto si Barangay Kapitan Narciso Mejia.












