CAUAYAN CITY– Ang pagkakahukay sa bangkay ng isang dating estudyante ng Cagayan State University (CSU) ay isang patunay sa mga panlilinlang na ginagawa ng mga teroristang CPP-NPA.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Major Jekyll Dulawan, Chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army na nahukay ang bangkay ni Justine Bautista o ‘Ka Aira’ sa tulong ng ibinigay na impormasyon ng isang dating rebelde at dati rin nitong kasamahan.
Aniya, dalawampu’t isang taong gulang si ‘Ka Aira’ noong siya ay masawi kasunod ng pagsalakay ng mga NPA sa kampo ng militar sa San Jose, Baggao, Cagayan noong June 25, 2017.
Ang naturang rebelde ay dating medical officer at political guide ng Northern Front sa Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.
Batay sa rebelasyon ng mga dati nitong kasamahan, sumampa siya noong Disyembre, 2013 bilang full time member dahil gusto niyang makasama ang kanyang ama na commander ng NPA at kumikilos sa Cagayan na si Edgar Bautista o Ka Simoy.
17 anyos pa lamang siya noon at estudyante ng Cagayan State University.
Aniya, ang nangyaring ito kay ‘Ka Aira’ ay patunay lamang na kahit isa pang mataas na pinuno ng kilusan ang ama ng isang rebelde kung wala ng saysay ang kanyang buhay ay basta na lamang itong iiwanan sa kahit saanmang lugar.
Kaya naman muling nanawagan si Maj. Dulawan sa mga hindi pa sumusukong rebelde na bumaba na at magbalik-loob sa pamahalaan para matamasa rin ang nararanasan ng mga dati nilang kasamahan dahil sa tulong ng pamahalaan.
Nagpapasalamat naman ang 5th Infantry Division, Philippine Army dahil kahit ngayon lamang ito nalaman ay nakuha pa rin ang bangkay ni ‘Ka Aira’ at nang mabigyan ng disenteng libing.
Si Justine Bautista o ‘Ka Aira’ ay naipanganak noong May 2, 1995 sa Guibang, Gamu, Isabela.











