CAUAYAN CITY– Suportado ng pangulo ng Integrated Bar of the Philippines ( IBP ) ang isinusulong sa kongreso na pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 constitution.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Domingo Cayosa, IBP President, panahon na para amyendahan ang economic provisions ng 1987 constitution dahil kulang na kulang na ang mga kumpanya at investments na magbibigay ng sapat at disenteng trabaho sa napakaraming Pilipino.
Gayunman ay dapat maging partikular sa babaguhin para hindi maging magulo.
Aniya, kapag naamyendahan ito ay dadami ang mamumuhunan sa bansa subalit kailangan din itong bantayan at dapat ay maging transparent ang pamahalaan.
Kung titignan aniya ang ibang bansa ay binago na ang kanilang constitution para sa ikabubuti ng ekonomiya sa kanilang bansa.
Ayon sa kanya, hindi ito mahirap gawin kung may pagkakaisa ang mga opisyal ng pamahalaan at nang taumbayan.











