CAUAYAN CITY – Nagbabala si Kalihim Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kakasuhan ang mga opisyal ng barangay at Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) na kumuha ng 2,000 mula sa mga benepisaryo ng CAMP TODA mula sa nasabing ahensiya.
Idinulog ng Bombo Radyo Cauayan kay Kalihim Bello ang reklamo ng ilang tricycle driver sa Cauayan City hinggil sa pangongolekta ng isang opisyal ng barangay ng 2,000 pesos mula sa natanggap nilang ayuda.
Batay sa reklamo, isang barangay kagawad ng Disimuray, Cauayan City ang nangongolekta ng nasabing halaga sa pamamagitan ng pagtungo sa bahay ng ilang tsuper ng tricycle na benepisaryo ng ayuda.
Sinasabi umano ng inireklamong si Barangay Kagawad Gemalyn Lucquiao na kautusan ni Sangguniang Panlunsod Member Garry Galutera ang pangongolekta ng 2,000 pesos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Gemalyn Lucqiuao, inamin niya ang ginawang pagkolekta ng 2,000 pesos ngunit hindi binanggit kung sino ang nag-utos sa kanya.
Itinanggi ni Lucquaio ang paratang na pagpunta sa bahay ng mga benepisaryong tsuper ng tricycle.
Idinagdag pa ni Kagawad Lucquiao na balak na nilang ibalik ang nakolektang pera.
Sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ng reaction si SP Member Galutera hinggil sa naturang reklamo at iginiit na wala siyang kinalaman sa pangongolekta ng 2,000 pesos mula sa ayudang natanggap ng mga tsuper ng tricycle.
Ang COVID Adjustment Measures Program (CAMP TODA) ay programa ng DOLE at Department of Tourism (DOT) upang matulungan ang mga tsuper ng tricycle at iba pang manggagawa sa sektor ng turismo.
Ayon kay Information Officer Chester Trinidad ng DOLE region 2, hindi kabilang sa mga benepisaryo ng CAMP TODA ang mga magsasaka dahil may sariling programa ang Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR) para sa kanila.
Hindi aniya maaaring hatiin ang ayuda upang ipamigay sa mga naapektuhan ng pagbaha sa ibang bayan dahil may hiwalay na programa ang pamahalaan para sa kanila.
Maliban dito ay may mga benepisaryo rin ng CAMP TODA sa ibang bayan.
Unang dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang iba pang grupo ng tsuper ng tricycle na nakatanggap din ng ayuda mula sa CAMP TODA kaugnay ng pangongolekta sa kanila 2,000 pesos.
Inamin mismo ni FESADECO Chairman Jayvee Coronel na nangungulekta sila ng 2,0000 sa mga tsuper ng tricycle na nakatanggap ng 5,000 pesos na ayuda mula sa DOLE upang ipamigay sa mga hindi nakatanggap ng ayuda.
Bago ang pangongolekta ay una nnilang pinulong ang mga presidente ng TODA sa Cauayan City at walang naging pagtutol.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, nagbabala si Kalihim Bello na kakasuhan ang mga opisyal ng barangay at TODA na nasa likod ng pagkuha ng 2,000 mula sa mga benepisaryo ng ayuda.
Hinimok ni Kalihim Bello ang mga nagrereklamo na dumulog sa tanggapan ng DOLE at ireport ang pangalan ng kanilang mga inirereklamo upang siyasatin ng ahensiya.
Iginiit ni Atty. Bello na hindi dapat dumaan ang nasabing ayuda sa mga opisyal ng barangay kundi diretso sa benepisaryong kumuha nito sa remittance center.
Sakali man umanong may opisyal ng DOLE na kasabwat ay ipapaimbestiga niya upang makasuhan.











