CAUAYAN CITY– Nakakulong na ang isang lupon member matapos masamsaman ng walang lisensiyang baril matapos silbihan ng search warrant sa kanyang tahanan ng mga awtoridad ng Santiago City Police Office Station 1 .
Sinilibihan ng mga kasapi ng Station 1 ng search warrant ang tahanan ni Romualdo Nimes,64 anyos, may-asawa, isang Lupon Member at driver na residente ng Purok 7, Barangay Malvar, Santiago City.
Isinilbi ang Search Warrant na ipinalabas ni Judge Anastacio Anghad ng RTC Branch 36 Second Judicial Region Santiago City sa bahay ng suspect.
Nakuha sa ibabaw ng isang Durabox ang isang bag na naglalaman ng Cal. 38 na may tatlong bala.
Mariin namang itinanggi ni Nimes na pagmamay-ari nito ang bag na naglalaman ng baril.
Isang concerned citizen ang nagbigay impormasyon sa pulisya kaugnay sa itinatagong armas ni Nimes na umanoy madalas makitang nakasukbit sa kanyang baywang.
Walang maipakitang papeles ng mga bala at baril ang pinaghihinalaan kayat kinumpiska ng mga pulis at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o illegal Possession of firearms na pansamantalang nasa pangangalaga ng SCPO.











