
CAUAYAN CITY – Aabot sa 127 bricks ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam sa pag-iingat ng dalawang PNP/PDEA high value target suspect sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad kagabi sa Abut, Quezon, Isabela.
Ang mga pinaghihinalaan ay sina Anwar Sindatoc, 54-anyos, may asawa, tsuper, residente ng Phase 4 CAA, Las Piñas City at Elson Cabunyag, 43-anyos na residente ng 073- Block 1 Dubai Bagong Lupa Baseco Port Area, Manila.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, isinagawa ng naturang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit/Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office, PDEA Region 2, Isabela Provincial Office, Provincial EOD/Canine Unit Isabela, Quezon Police Station at Regional Drug Enforcement Unit 2.
Lulan ang mga suspek ng Toyota Hi-Ace, Super Grandia Van nang makipagtransaksyon sa mga intel operatives ng Provincial Intelligence Unit at PDEA agent sa boundary ng Abut, Quezon at lalawigan ng Kalinga.
Nakahalata umano ang mga pinaghihinalaan na mga awtoridad ang kanilang katransaksyon kaya pinatakbo nila ang kanilang sasakyan dahilan para habulin sila ng mga operatiba hanggang sa masakote sila sa quarantine checkpoint sa naturang bayan.
Nabili sa dalawang pinaghihinalaan ang dalawang bricks ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana habang nakuha sa kanilang sasakyan ang tatlong karton at apat na sako na naglalaman ng mga marijuana bricks at tubular.
Sa kabuuan ay umabot sa 127 bricks ng iligal na droga ang nakumpiska at 5 tubular.

Aabot naman sa 16 million pesos ang halaga ng mga naturang iligal na droga na may bigat na halos 130kgs.
Narekober din sa loob ng kanilang sasakyan ang isang cal 45 pistol, Colt Mark IV na may isang magazine at 7 bala, 10 bala ng M14 at dalawang plastic sachet na naglalaman ng halos tatlong gramo ng hinihinalaang shabu na may estimated value na P20,400.
Mayroon ding iba’t ibang IDs, dalawang cellphone at 31 na piraso ng 1,000 peso bill boodle money.










