--Ads--

CAUAYAN CITY – Hiniling ng pamahalaang lokal ng Alicia, Isabela sa Regional Inter-Agency Task Force (IATF) na isailalim ang bayan sa General Community Quarantine (GCQ) dahil sa patuloy na pagtaas ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Joel Amos Alejandro, sinabi niya na una nilang hiniling ang pagsailalim sa calibrated lockdown sa 11 na barangay na may mga aktibong kaso ng COVID-19.

Ayon kay Mayor Alejandro, nakakabahala ito dahil tinatayang 1/3 ng kabuuang bilang ng mga barangay sa bayan ng Alicia ang infected na ng COVID-19 maliban pa sa mga kaso sa loob ng pamilihang bayan.

Ayon kay Mayor Alejandro, nagpadala na rin ng kahilingan ang Municipal IATF sa tanggapan ni Governor Rodito Albano.

--Ads--

Naglabas ng Executive Order (EO) si Gov. Albano may kaugnayan dito at nakatakdang isumite sa Regional IATF.

Kapag naisailalim sa GCQ ang bayan ng Alicia ay lilimitahan hanggang 30-50 percent ang kapasidad ng simbahan at mga restaurant.

Pinapayuhan ni Mayor Alejandro ang mga makakaramdam ng sintomas ng COVID-19 na agad makipag-ugnayan sa kanila upang agad na matugunan.

Matatandaang isinara ng LGU ang pamilihang bayan ng tatlong araw upang isailalim sa COVID-19 test ang mga vendor.

Mula sa 250 vendors na sinuri ay 22 ang mga nagpositibo sa virus at isa ang nasawi.

Sa ngayon ay nasa 40% hanggang 50% na ng mga vendor ang muling nagbukas ng puwesto sa pamilihan.

 Sa kabuuan ay may 202 COVID-19 cases na ang bayan ng Alicia at 45 ang aktibong kaso.

Pangunahin naman sa nakikitang dahilan ng pagtaas ng kaso ay ang pagkabagot ng mga residente sa mahigit isang taon nang pagsailalim sa quarantine restriction.

Ayon kay Mayor Alejandro, ang pagiging kampante ng mga residente ay nagdulot ng pagdami ng kaso ng COVID-19 positive sa kanilang bayan.

Ang pahayag ni Mayor Joel Amos Alejandro