CAUAYAN CITY– Kabilang ang 4 na dayuhan sa mahigit 50 nasawi sa naganap na malagim na train accident sa Hualien, Eastern Taiwan.
Nadiskaril ang isang bullet train matapos na bumangga sa nahulog na truck na dumaan sa bahagi ng riles ng train.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sherilyn Tomines, OFW sa Taoyuan District,Taiwan at tubong Naguilian Isabela na naging maagap ang rescue team ng Taiwanese government para makuha ang lahat ng labi ng mga nasawi sa train accident.
Aniya ang truck ay dumaan sa ginagawang bahagi ng riles na naging sanhi para mahulog at mabangga ng tren na papasok sa tunnel at tatlong bagon ang labis na napinsala.
Mahigpit ang pamahalaang Taiwan sa pagpapatupad ng quarantine sa mga kaanak ng mga nasawi na magtutungo sa Taiwan dahil isasailalim muna sila quarantine.
Ayon kay Tomines, dahil sa pangyayari ay nakakaramdam na siya ng takot na sumakay pa sa tren kapag pupunta sa ibang lugar kung araw ng kanyang day-off.











