CAUAYAN CITY – Hindi mabibigyan ng state funeral ang pumanaw na si Prince Philip, ang Duke of Edinburgh sa United Kingdom dahil sa nararanasang Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Bombo International Correspondent Malcolm Conlan na dahil sa sitwasyon ngayon na dulot ng COVID-19 pandemic at sa pagiging mapagpakumbabang tao ni Prince Philip ay walang isasagawang state funeral.
Sa halip ay Royal Ceremony Funeral na lamang ang isasagawa at military style funeral.
Aniya, labis na ikinalungkot ng lahat sa United Kingdom ang pagpanaw ni Prince Philip dahil mahal na mahal siya ng mga tao roon.
Madalas aniya kapag may pumapanaw na kasapi ng Royal family ay nagkakaroon ng pagtitipon ang mga tao sa mga lansangan at nag-aalay ng bulaklak pero dahil sa COVID-19 ay hinikayat na lamang sila na gawin ang kanilang pakikiramay sa social media.
Ayon kay Conlan, si Prince Philip ay naging matapat kay Queen Elizabeth II sa loob ng pitong dekada kaya mahal na mahal siya ng lahat.
May inihahanda ang reyna selebrasyon para sa ika-100 na kaarawan ng pumanaw na asawa sa Hunyo ngunit hindi na niya naabot.











