--Ads--

CAUAYAN CITY – Arestado ang maglive-in partner sa Calaocan, Santiago City dahil sa umano’y pagtutulak ng dahon ng Marijuana.

Ang mga pinaghihinalaan ay sina Mark Anthony Alingog, 21-anyos, fruit vendor at residente ng naturang lugar at alyas Kate, 17-anyos, estudyante at residente ng Patul, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, sa pagtutulungan ng City Intelligence Unit ng Santiago City Police Office (SCPO) at SCPO Station 1 ay inilatag ang anti-illegal drug buy bust operation laban sa mga pinaghihinalaan.

Nakipagtransaksyon ang dalawa sa isang pulis na nagsilbing buyer bitbit ang isang piraso ng nakatuping papel na naglalaman ng hinihinalang dahon ng Marijuana kapalit ng P1,500.

--Ads--

Itinanggi naman ng mga pinaghihinalaan ang pagkakasangkot sa pagbebenta ng Marijuana.

Ayon sa kanila, napadaan lamang sila sa lugar nang harangin sila ng ilang kalalakihan na pinabulaanan naman ng mga pulis.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa mga suspek na kabilang sa Street Level Individual List ng SCPO.