
CAUAYAN CITY– Labis na ipinagmamalaki ng pamilya Quemado ang naging achievements ng Number one sa PMA Class BAGSIK-DIWA Class of 2022 na si Cadet 1st Class Krystlenn Ivany Quemado ng South Cotabato.
Si Cadet 1st Class Quemado, ang ikapitung babaeng naging number one sa PMA na makakakuha ng Presidential Saber, Philippine Navy Saber, Jusmag Saber, Australian Defence Best Overall Performance Award, Spanish Armed Forces Award, Agfo Award, Academic Group Award, Humanities Plaque, Management Plaque, Social Sciences Plaque, Navy Professional Courses Plaque.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Phils. Inihayag ni Col. Nicolas Quemado ng South Cotabato na consistent first honor ang kanyang anak mula Grade-1 hanggang Grade-6 at nagtapos bilang valedictorian noong Elementarya at Sekondarya kayat tiwala siyang makakaya ng kanyang anak ang mga academic requirements at hamon na kakaharapin nito sa pagpasok nito sa PMA.
Inihayag naman ni Dr. Lovie Quemado na magkakaroon din ng selebrasyon sa tagumpay ng kanilang anak kasama ang mga kamag-anak at mga kaibigan.
Sinabi ni Dr. Quemado na ang kanyang anak na si Cadet 1st Class Krystlenn Ivany Quemado ay una nang na-qualified bilang The Filipino Youth Leadership sa U.S. , isang special programa para sa mga kabataang Pilipino na sponsored at ginastusan ng Estados Unidos.
Naipadala anya ang kanyang anak sa Amerika para sa isang Youth leadership activities sa loob ng isang buwan at marami siyang natutunan kung saan maaring dito niya natutunan ang pagnanais nitong magserbisyo sa mga mamamayan.
Inihayag din ni Col. Quemado na kabilang siya PMA Class 1993 at miyembro siya ng Phil. Army at maaring malaking impluwensiya ito sa kanyang anak dahil nakita nito ang dedikasyon at desiplinang taglay nito.
Bago anya pumasok ang kanyang anak sa PMA ay nakitaan ni Col. Quemado na nangangailangan pa para mapalakas ang pangangatawan kayat isinailalim niya sa physical training para mapalakas ang kanyang physical Development .
Pumangalawa sa kanilang klase si Cadet 1st Class Kevin John Pastrana mula Baguio City na tatanggap ng Vice Presidential Saber at Philippine Air Force Saber bukod pa sa Australian Defence Best Overall Performance Award, Information Technology Plaque at Air Force Professional Courses Plaque.
Si Cadet 1st Class Ian Joseph Bragancia mula Iloilo ang pangatlo na makakakuha ng mga Secretary of National Defense Saber, Philippine Army Saber at Chief Justice Saber. Siya ay tatanggap din ng Australian Defense Best Overall Performance Award, Distinguished Cadet Award, General Antonio Luna Award, Mathematics Plaque, Natural Science Plaque, at National Security Studies Plaque, Army Professional Courses Plaque.
Nasa ikaapat si Cadet 1st Class Faithe Turiano ng Camarines Sur, 5th si Cadet 1st Class Yyoni Xandria Marie Tiu mula Davao City, ikaanim si Cadet 1st Class Jake Anthony Mosquera ng North Cotabato, ikapito si Cadet 1st Class Jesie Mar Frias mula Antipolo City, Rizal, ikawalo si Cadet 1st Class Elvin John Oyo-a mula Butuan City, ikasiyam si Cadet 1st Class Nerfa Minong ng Zamboanga City at ang ikasampu ay si Cadet 1st Class Criselle Jane Rico na mula rin sa Zamboanga City.










