CAUAYAN CITY– Nasa mabuti nang kalagayan ang 9 katao na nasugatan matapos magsalpukan ang kanilang sinasakyan sa provincial road ng barangay Balintocatoc, Santiago City
Ang mga sangkot na sasakyan ay isang kulay gray na Honda Civic Sedan na minamaneho ni Ferdinand Galzote, 39 anyos, residente ng Barangay Nagassican, Santiago City kasama ang pasahero na si Rochelle Lambinicio Gao, 37 anyos, residente naman ng Maddela, Quirino at isang kulay puting Isuzu Wagon minamaneho ng inidian national na si Hardeep Kumar, 38 anyos kasamang pasahero ang kanyang may-bahay at limang anak na pawang residente ng Victory Norte, Santiago City.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Traffic Enforcement Unit, magkasalungat na bumabaybay sa lansangan ang dalawang sasakyan kung saan patungong Santiago City proper ang Honda Civic Sedan samantalang patungong barangay Bannawag Norte ang Isuzu Wagon.
Bigla umanong nag U-turn ang sinusundang sasakyan ng Sedan patungo sa isang gasoline station na sinubukan namang iwasan ng Sedan hanggang sa napunta sa kabilang linya subalit aksidenteng nasalpok ng paparating na Wagon.
Sa lakas ng impak ng banggaan, dumeretso at sumalpok ang Isuzu Wagon sa gutter ng kanang bahagi ng daan.
Parehong wasak ang harapang bahagi ng dalawang sasakyan at dinala naman sa pagamutan ang mga sugatang sakay ng dalawang nagsalpukan.
Nagkasundo ang magkabilang panig at hindi na nagsampa ng kaukulang kaso.