CAUAYAN CITY– Binaril-patay ang dating Punong Barangay ng Brgy. Poblacion Uno sa mismong maisan ng kanyang pinsan sa Brgy. San Antonio, Santa Maria, Isabela.
Ang biktima ay si Facundo Bingayan, 74 anyos, may-asawa at dating Punong Barangay ng Poblacion Uno, Santa Maria, Isabela
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, Police Sr. Master Sgt. Zaldy Babaran, tagasiyasat sa Sta. Maria Police Station kanyang sinabi na patuloy ang kanilang isinasagawang pagsisiyasat sa pagpaslang sa biktima..
Anya nakatanggap sila ng tawag mula sa manugang ng biktima sa nangyaring pamamaril at nang kanila itong tugunan ay nakita na nila ang nakabulagtang katawan ng dating kapitan.
Ayon sa imbestigasyon, isang beses na binaril ng hinihinalang Cal. 45 ang biktima na tinamaan ng kanyang kaliwang noo na nagresulta ng kanyang pagkamatay.
Lumabas din sa pagsusuri na binaril nang malapitan ang biktima.
Ayon pa sa pulisya, isa sa kanilang tinitingnang motibo ay alitan sa lupa batay sa salaysay ng pamilya ng biktima.
Sa ngayon ay patuloy ang pakiusap ng pulisya sa publiko na ipagbigay alam sa kanila ang mga impormasyon na makakatulong upang malutas ang kaso ng pagpatay.
Inanyayahan din pulisya ang nagpakilalang Jeffrey Bingayan, residente ng Lunsod ng Ilagan na naghahanap sa biktima ngunit nang iprisinta sa pamilya ng biktima ang tunay na nagngangalang Jeffrey Bingayan ay kinumpirmang hindi ito ang nagtungo sa kanilang bahay na naghahanap sa biktima.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng pagsisiyasat ng pulisya kaugnay sa naganap na krimen sa kanilang nasasakupan.