CAUAYAN CITY– Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang magkasintahang nadakip sa isang buy bust operation sa Mabini, Santiago City.
Ang mga nahuli ay sina Nester , 28 anyos, vendor at si Christine, 18 anyos, estudyante at kapwa residente ng Victory Norte, Santiago City
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, matagal na umanong minamanman ng pulisya ang dalawa matapos silang makatanggap ng impormasyon ukol sa ginagawang pagtutulak ng droga.
Isinagawa ng mga kasapi ng Santiago City Police Office Station 3 kasama nang iba pang otoridad ang drug buy bust operation sa isang lodge sa Brgy. Mabini at nabili mula sa magkasintahan ng isang pulis na nagpanggap na buyer ang isang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Napag-alaman din na nahuli na noong 2018 si Nolasco sa kaparehong kaso at nakalaya matapos ang anim na buwan na pagkakakulong at paghahain ng plea bargaining agreement.