CAUAYAN CITY – Naniniwala ang Pinoy Teacher at Catwalk Trainer sa Cambodia na malaki ang tsansa ni Miss Cambodia na mananalo sa 71st Miss Universe na gaganapin sa araw ng Sabado sa New Orleans sa Estados Unidos.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Joemarie Calara, Pinoy Teacher at Catwalk Trainer sa Cambodia na siya ang kauna-unahang nagsanay sa catwalk ng kinatawan ng Cambodia sa 71st Miss Universe na si Manita Hang.
Sinabi ni Calara na noong sumasali pa lamang si Miss Hang sa 2022 Miss Cambodia ay tinanong nito kung mayroon siyang trainer at nang sinabing wala ay inialok niya ang kanyang sarili nang libre at walang bayad.
Natuwa siya nang manalo si Hang at nakoronahan bilang 2022 Miss Cambodia kaya naniniwala siya sa kakayahan ng Cambodian beauty queen.
Samantala, inihayag ni Calara na sa ngayon ay may mga trainer na si Miss Cambodia habang sumasabak sa preliminary ng 71st Miss Universe.
Nagbibigay pa rin siya ng payo at gabay kay Miss Cambodia sa pamamagitan ng social media na sinusunod naman ng beauty queen.
Naniniwala siya na makakapasok sa top 5 ang Philippines, Cambodia, Thailand at Venezuela.
Tiwala rin siya na malaki ang tsansang makoronahan bilang Miss Universe ngayong taon ang kinatawan ng Cambodia at mahigpit nitong makakatunggali ang kinatawan ng Pilipinas na si Miss Universe Philippines Celeste Cortesi.