CAUAYAN CITY- Arestado ang isang menor de edad matapos na tangayin ang isang motorsiklo sa Barangay Villa Concepcion, Cauayan City, Isabela.
Ang motorsiklo ay pag mamay-ari ni Harold Magalong, isang negosyante habang ang suspek ay residente ng Brgy. Sta. Maria, Cauayan City.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan gabi ng ika-labing siyam ng Hunyo ng iparada ng biktima ang motorsiklo sa harapan ng kanilang bahay at kinaumagahan nang madiskubreng nawawala na ito.
Pagkalipas ng dalawang araw na hindi parin naibabalik ang motorsiklo kayat nagdesisyon na silang magpost sa social media kung saan nakatanggap sila ng impormasyon na ang motorsiklo ay nasa Lunsod ng Ilagan partikular sa Sitio. Fugu, Sindon Bayabo.
Agad silang nakipag ugnayan sa City of Ilagan Police Station kasama ang informant at doon nakita ang nawawalang motorsiklo sa bakuran ng isang bahay kung saan naaresto ang menor de edad na suspek na ipinasakamay sa Cauayan City Police Station.
Mahaharap ito ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 1083 o New Anti-Carnapping Act of 2016.