Tiwala ang kinatawan ng ACT Teachers Party List sa itinalagang 11 prosecution panel ng House of Representatives laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaan na tuluyan nang in-impeach ng mababang kapulugan ng kamara si VP Duterte matapos lagdaan ng 215 kongresista ang pang-4 na impeachment complaints na inihain laban sa kaniya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rep. France Castro ng Act Teachers Partylist, sinabi niya na bagaman malaki ang tiwala nila sa mga itinalagang proseutors ay handa pa ring tumulong ang Makabayan Bloc sa pamamagitan ng pag-rekomenda ng mga private prosecutors tulad na lamang ni Rep. Neri Colmenares.
Bilang bahagi ng kongreso ay tutulong din sila sa pangangalap ng impormasyon at taktika para tuluyang ma-impeach ang pangalawang pangulo.
Magugunita na sinabi ni Cong. Paulo Duterte kapatid ni VP Sara na isa lamang political persecution ang pag-impeach sa kaniyang kapatid ngunit ayon kay Castro, ang hakbang na ito ay isang democratic at constitutional na pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal.
Hindi naman aniya maiiwasan para ilan na isipin ito bilang pamumulitika ngunit kailangan umano nilang tignan ang mga naging kasalanan ng pangalawang Pangulo sa taumbayan gaya na lamang ng betrayal of public trust, hindi maayos na paggamit ng Confidential Funds maging ang pagbabanta nito sa buhay ng Pangulo na isang malinaw na batayan patalsikin ito sa pwesto.
Bagama’t patapos na ang sesyon ng 19th Congress ay maaari pa ring matapos ang paglilitis sa Senado basta’t gampanan lamang ng mga Senador ang kanilang tungkulin dahil maaari naman nilang ipagpatuloy ang pagdinig kahit pa magsisimula na ang Campaign Period.