--Ads--

Nanawagan sa pamahalaan ng pangmatagalang programa at suporta para sa mga magbababoy ang grupo ng mga hog raiser sa Nueva Vizcaya upang matulungan silang makabangon mula sa epekto ng African Swine Fever (ASF).

Ito ay kasunod ng anunsyo ni Senator Risa Hontiveros na sisimulan sa Disyembre 2026 ang pamamahagi ng pinansyal na tulong o indemnification fund para sa mga hog raiser na naapektuhan ng ASF.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jayson Hullana, presidente ng Nueva Vizcaya Hog Raisers, sinabi nitong nagpapasalamat sila sa mga tulong na ipinagkakaloob ng pamahalaan, subalit binigyang-diin niyang panandalian lamang ang mga ito.

Aniya, mas kailangan nila ang mga konkreto at pangmatagalang programa na tutugon sa mga pangunahing suliranin ng industriya ng pag-aalaga ng baboy.

--Ads--

Kinuwestiyon din ni Hullana ang patuloy na pag-aangkat ng Pilipinas ng karne ng baboy mula sa ibang bansa gayong kaya umanong tugunan ng mga backyard hog raiser ang pangangailangan sa lokal na merkado kung mabibigyan lamang ng sapat na suporta.

Kabilang sa mga isinusulong niyang programa ang hog repopulation upang maparami muli ang populasyon ng baboy sa bansa at subsidized feeds upang mabawasan ang gastusin ng mga magbababoy.

Iminungkahi rin niya ang pagbibigay ng veterinary biosecurity assistance, kabilang ang libreng pagsusuri sa mga alagang baboy upang maagapan at maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Kabilang pa sa mga nais nilang maisakatuparan ang livelihood recovery loan, insurance program, provincial hog raisers development fund, at price protection mechanism upang magkaroon ng mas maayos at patas na presyo ng liveweight ng baboy.

Samantala, kasunod ng pakikipagpulong ni Hullana sa mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya, nakapagtala naman umano ng unti-unting pagtaas sa presyo ng liveweight ng baboy sa lalawigan.