--Ads--

CAUAYAN CITY- Hindi katanggap-tanggap ang pahayag ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta na gawa-gawa lamang ng mga Pilipino ang West Philippine Sea.  

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niya na ang WPS ay nasa teritoryo at Exclusive Economic Zone ng Pilipinas kaya may karapatan ang bansa na bigyan ito ng pangalan alinsunod sa local at international law.

Nangangahulugan lamang ito na may obligasyon ang bansa na protektahan ito at patalsikin ang mga nanghihimasok sa WPS ng walang awtorisasyon.

Nilinaw ni Atty. Yusingco na ang maliit na bahagi ng South China Sea ay pagmamay-ari ng Pilipinas habang ang malaking bahagi nito ay walang nagmamay-ari o tinatawag na property of the commons alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

--Ads--

Ito aniya ay tinawag lamang na South China Sea ang naturang karagatan ay nasa katimugang bahagi ng China ngunit hindi ito nangangahulugan na pag-aari na ito ng China.

Ang kontrobersyal na pahayag ni Cong. Marcoleta ay pagsasantabi umano sa sakripisyo ng taumbayan pangunahin na ng mga Law enforcers na nagtatanggol dito gaya na lamang ng Philippine Coast Guard na nakakaranas ang pangha-harras mula sa China.

Hindi umano ito katanggap-tanggap lalo na at mataas pa na opisyal ng Gobyerno ang nagsabi nito.

Ngayong panahon ng pangangampaniya ay marapat lamang umanong tanungin ang mga kanididato sa kung anong kaya nilang gawin para ipagtanggol ang teritoryo ng bansa at matiyak na hindi lamang sila puro salita.

Dahil sa usapin na ito ay maraming mga kandidato ang pinarantangang Pro-China at Anti-China  ngunit hindi naman aniya patas na ito ang gawing basehan ng mga kandidato sa pagboto nang hindi na tinitignan ang kanilang tunay na intensyon.

Nag-ugat ang usapin kasunod ng sinabi ni Marcoleta sa kamakailang pagdinig sa House of Representatives na walang WPS at ito ay gawa-gawa lang umano natin at wala sa mapa ng Pilipinas, bagay na inalmahan ng Philippine Coast Guard.