Nagbabala ang China na posibleng magpalala sa tensyon sa South China Sea ang bagong kasunduang pangdepensa ng Pilipinas at Australia na naglalayong palakasin ang kooperasyong militar ng dalawang bansa.
Sa press conference nitong Huwebes, Nobyembre 26, inakusahan ni Chinese Defense Ministry spokesperson Chen Xi ang ilang politiko sa Pilipinas na nagpapakalat umano ng maling impormasyon laban sa China at humihingi ng suporta mula sa mga bansang nasa labas ng rehiyon.
Ayon kay Chen, makaaapekto ito sa katatagan ng rehiyon at magsasagawa ang China ng mga kinakailangang hakbang upang protektahan ang mga interes nito laban sa anumang paglabag o probokasyon.
Kasunod ito ng paglagda ng Pilipinas at Australia sa Defense Cooperation Arrangement noong Nobyembre 15, na naglalayong palawakin ang magkasanib na maritime activities, pagpapalitan ng impormasyon at pagsasanay ng mga sundalo.
Patuloy namang inaangkin ng China ang malaking bahagi ng South China Sea, kabilang ang mga karagatang sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Noong 2016, ibinasura ng arbitral tribunal ang malawak na pag-angkin ng China sa naturang karagatan dahil wala itong legal na batayan sa ilalim ng UNCLOS. Gayunman, patuloy na tinututulan ng Beijing ang desisyon.











