CAUAYAN CITY- Suportado ng lokal na pamahalaan ng Cauayan ang mga estudyanteng sasabak sa Program for International Student Assessment (PISA).
Kabilang kasi ang SDO Cauayan sa limang napabilang na Division sa buong Region 2.
Gaganapin ang PISA sa buwan ng Marso dahilan kung bakit tinututukan na ngayon ang pagkabihasa sa pagbasa ng mga estudyante maging ang kanilang mathematics at science literacy.
Sa pakikipag ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod member Garry Galutera, sinabi niya na malaking karangalan na mapabilang ang lungsod ng Cauayan sa PISA kaya labis na hinahasa ang talino ng mga batang edad 15 taong gulang.
Ang magiging resulta kasi aniya ng assessment ay malaking bagay sa mga Pilipino dahil nakasalalay ito sa magiging ranking ng bansa sa mathemathics, science, at reading literacy sa buong bansa.
Bilang suporta sa mga estudyante, nag bigay ng air condition ang committee on Education sa Cauayan City Science and Technology High School upang mas maging komportable ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
Bukod dito ay planong magdagdag o mang hiram kung kinakailangan ng mga mathematics teacher upang matutukan naman ang mga estudyanteng sasabak sa PISA.