--Ads--

Patuloy ang pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo sa world market, kung saan posibleng umabot sa mahigit siyam na piso kada litro ang rollback sa presyo ng gasolina, sa kabila ng panibagong pag-atake ng Estados Unidos sa Iran.

Batay sa datos ng Mean of Platts Singapore o MOPS sa trading,, nakapagtala ng pagbaba na P9.40 kada litro sa gasolina, P3.30 sa diesel at P3.50 naman sa kerosene.

Ayon sa industry sources, mas nanaig ang positibong pananaw sa posibilidad ng diplomatikong pag-uusap para sa kasunduang pangkapayapaan kaysa sa panibagong tensiyon sa Middle East.

Gayunman, posibleng maramdaman sa mga susunod na trading ang epekto ng pag-atake ng Estados Unidos na maaaring magpaliit sa inaasahang rollback.

--Ads--

Una nang pinaalalahanan ng Department of Energy ang mga motorista na huwag munang umasa sa malaking bawas-presyo dahil maaga pa sa trading week.