--Ads--

ANTIPOLO CITY- Dead on the spot ang magkasintahan na sakay ng motorsiklo matapos mabangga ng police mobile sa Marcos Highway, Barangay Inarawan, Antipolo City, Rizal.

Ayon kay Police Captain Alnor Tagara, Investigation and Operations Chief ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), nawalan ng kontrol ang police mobile habang binabaybay ang kahabaan ng Marcos Highway. Kasalubong nito ang nabanggang motorsiklo na sakay ang dalawang biktima, pati na ang isang jeep na nadamay sa aksidente.

“Malakas ang ulan at basa ang daan. Ang ating mobile ay patungo sa direksyon ng Boso-Boso, at ‘yun namang motorsiklo at jeep ay sa kasalungat na direksyon patungong Cogeo. Na-lose control ‘yung ating mobile patrol habang nagpapatrolya at pumunta sa direksyon na dinadaan ng motorsiklo tsaka ng jeep. Matapos mabangga ‘yung mobile sa motor tumilapon naman ‘yung motor paatras sa jeep na paparating sa likod,” sabi ni PCapt. Tagara.

Napinsala ang harapang bahagi ng jeep habang ligtas naman ang drayber at mga sakay nito.

--Ads--

Iginiit ng PNP na aksidente ang nangyari dahil sa basang kalsada.

“‘Yun pong nakikita nating dahilan katatapos lang po ng ulan at basa po talaga ang daan. May preno naman po na-lose control lang,” sabi ni PCapt Tagara.

Dagdag pa ng PNP, nagdiwang pa ng kaarawan ang biktimang lalaki noong Linggo bago mangyari ang trahedya.

Nasa kustodiya ng Antipolo Component City Police Station custodial facility ang pulis na nagmaneho ng police mobile na tumanggi rin na magbigay ng pahayag.

Posible siyang maharap sa kasong Reckless imprudence resulting to multiple homicide with damage to property.