Muling nagpaalala ang Department of Education (DepEd) Region 2 na dapat pa ring pairalin ang “No Collection Policy” ngayong magtataposna ang school year 2024-2025.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Amir Aquino, Public Affairs Unit Head ng DepEd Region 2, sinabi niya na hindi na tulad noong mga nakalipas na taon na pinahihintulutan ang paniningil ng pera o pamimilit sa mga estudyante na magdonate.
Hindi aniya problema kung ang magulang at estudyante ang mismong magbigay ng donasyon dahil hindi ito maituturing na pangongolekta.
Ang sino man aniyang guro na mapag-alamang nangongolekta at pumipilit sa mga estudyante na mag-bayad o magbigay ng project ay posibleng maparusahan dahil sa paglabag nito sa RA 5546 o ang “No Collection Policy”.
Kampante naman ang tanggapan na sapat ang Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE ng mga paaralan kaya hindi na dapat pang mangolekta ng tickets, projects, o donation ang mga guro.
Sa darating na April 14-15 naman ang nakatakdang end of school year kaya ngayon palang ay puspusang monitoring na ang ginagawa ng DepEd.
Samantala, umaasa ang kagawaran na hindi sasamantalahin ng mga kandidato na mangampanya o mamulitika sa graduation venue.
Aniya, ang programa at lugar ay itinalaga para sa mga magsisipagtapos at hindi para sa pangangampanya.