Isinampa ang reklamo laban kay CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre III at siyam pang opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng umano’y illegal detention sa negosyanteng si Rotchelle Calle sa loob ng anim na araw, gamit ang “photocopied” red notice mula sa International Police Organization (INTERPOL).
Hindi dumalo sina Torre at iba pang akusado sa preliminary investigation na itinakda ng Makati City Prosecutor’s Office noong Abril 21 at 28.
Inireklamo ni Calle ang grupo dahil umano sa ilegal na pag-aresto at arbitrary detention mula Nobyembre 21 hanggang 27, 2024. Kaugnay ito ng kasong fraud na isinampa laban sa kanya ng dating kasosyo sa negosyo sa United Arab Emirates (UAE).
Ayon kay Calle, inalok siya ng ilang tauhan ng CIDG na hindi siya dadalhin sa Bureau of Immigration kung magbibigay siya ng “Christmas gift,” bagay na kanyang tinanggihan. Makalipas ang dalawang araw, inaresto siya sa Makati City Hall at dinala sa CIDG headquarters.
Humiling ang Public Attorney’s Office (PAO) ng kanyang pagpapalaya, iginiit nilang walang maipakitang valid na warrant of arrest sa kanyang kaso.






