CAUAYAN CITY- Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki dahil sa pagdadala ng ilegal na baril sa isang videoke bar sa Barangay Arellano, Quezon, Isabela.
Ang suspek ay kinilalang si Alyas “Warren”nasa 38-anyos, magsasaka at residente ng Brgy. Balawag, Tabuk City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Clarence Labasan, Hepe ng Quezon Police Station, sinabi niya na nakatanggap sila ng ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa nakitang baril na bitbit ng suspek sa isang pampublikong lugar.
Agad naman silang nagresponde sa lugar at nakumpirma na mayroon ngang dalang baril ang suspek dahil na rin sa nakabukas ang sling bag nito kung saan kung saan naroon ang caliber 45 na baril na walang serial number.
Maliban dito ay nasamsam rin sa kaniya ang pitong piraso ng bala ng kaparehong kalibre at isang magazine.
Batay sa pagsisiyasat ng Pulisya, lasing na umano ang suspek at nang magbabayad na ito sa videoke bar kung saan siya naroroon ay nagbanta pa umano ito na babarilin ang mga naroroon dahilan upang magtakbuhan naman ang mga tao.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Quezon Police Station ang suspek para sa para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o comprehensive Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon kay PMaj. Labasan, puspusan ang kanilang paghihigpit sa mga indibidwal na nagdadala ng mga hindi lisensyadong baril upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente.











