Isang 46-anyos na babae sa Washington, U.S.A, ang opisyal nang kinilala ng Guinness World Records bilang may pinakamalaking koleksiyon ng jigsaw puzzles sa buong mundo.
Kinumpirma ng Guinness na si Liza Fireman, residente ng Bellevue, ay may kabuuang 4,060 piraso ng iba’t ibang jigsaw puzzles, higit doble sa dating record na 2,022 na hawak ni John Walczak noong 2023.
Ayon kay Fireman, nagsimula lang siya mangulekta ng puzzles noong 2019 kaya hindi niya inakalang magkakaroon siya ng world record dahil dito.
Kabilang sa kanyang koleksyon ang iba’t ibang tema ng puzzles tulad ng Disney, Friends, Hello Kitty, Wicked, at James Bond.
Dagdag pa ni Fireman, kung itatabi raw niya lahat ng natapos niyang puzzles sa loob ng isang taon, puwede na niya itong ilatag sa buong bahay na parang carpet.






