Nag-alok ng malaking reward money ang Lokal na Pamahalaan ng Diffun, Quirino at iba pang may mabubuting puso na nag-ambag para sa sinumang makakapagturo sa salarin sa karumaldumal na pagpaslang sa mag-asawang sina Brenda at Joel Tayaban.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Jennifer Binbinon, kapatid ng biktimang si Brenda Tayaban, sinabi niya na kakakasal pa lamang ng kaniyang kapatid at bayaw, at makalipas lamang ng limang araw ay naganap na ang krimen.
Ayon kay Binbinon, wala siya sa Pilipinas nang maganap ang insidente. Batay sa impormasyong nakarating sa kaniya, bago natuklasan ang bangkay ng mag-asawa ay may narinig muna ang mga kapitbahay na putok ng baril.
Dahil sa hinalang may masamang nangyari, nagtungo ang ilang concerned citizens sa bahay ng mag-asawa, kung saan natagpuan si Joel na nakahandusay sa labas ng bahay, habang wala na ring buhay nang matagpuan si Brenda sa loob ng kanilang tahanan.
Isa sa mga tinitingnang motibo ng krimen ay pagnanakaw, dahil nawawala umano ang perang kinita ng mag-asawa noong araw ng kanilang kasal.
Sa ngayon, itinaas pa sa ₱400,000 ang reward money para sa sinumang makakapagturo sa suspek. Ayon kay Binbinon, nagtulong-tulong ang LGU Diffun, provincial government, at iba pang tumulong upang mabuo ang halagang ito.
Nanawagan din siya sa mga posibleng nakakita sa insidente na makipag-ugnayan sa kanila o sa PNP upang agad na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mag-asawa.











