Mariing itinanggi ng Royal Malaysian Navy (RMN) ang mga alegasyon ng umano’y standoff sa pagitan ng kanilang puwersa at ng Philippine Navy, gaya ng ipinapakita sa isang viral na video sa social media.
Ayon sa RMN, walang ganitong insidente ang naganap at tinawag ang naturang video bilang isang hakbang na layong sirain ang matagal nang ugnayan sa depensa at diplomasiya ng Malaysia at Pilipinas.
Dagdag pa ng Royal Malaysian Navy, ang ganitong uri ng disinformation ay maaaring magbanta sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon, at posibleng ginagamit para sa pansariling layuning pampulitika o estratehiko.
Tiniyak ng RMN ang kanilang patuloy na pagsisikap na mapanatili ang seguridad at soberanya ng karagatan ng Malaysia. Nanawagan din sila sa publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon o magbigay ng haka-haka na maaaring magdulot ng kalituhan at makasama sa pandaigdigang kapayapaan.
Matatandaan na ang 12 minutong video ay nagpapakita ng ilang barkong pandigma sa dagat at sinasabing may tensyon sa pagitan ng RMN at Philippine Navy malapit sa karagatan ng Sabah.











