Umani ng matinding batikos ang China matapos nitong subukang pigilan ang pagpapalabas ng isang dokumentaryong Pilipino tungkol sa West Philippine Sea sa isang prestihiyosong film festival sa New Zealand.
Kinumpirma ng Chinese Consulate General sa Auckland sa isang pahayag na ibinahagi ng Doc Edge film festival na hiniling nila noong Hulyo 4 sa mga organizer na kanselahin ang mga susunod na screening ng dokumentaryong “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea.”
Ayon sa email ng Chinese Consulate, puno umano ng “disinformation” at “false propaganda” ang dokumentaryo, na anila’y ginagamit ng Pilipinas bilang political tool upang isulong ang umano’y hindi lehitimong pag-aangkin sa pinag-aagawang karagatan. Dagdag pa nila, ang pagpapalabas ng nasabing pelikula ay nakaliligaw sa publiko at nagbibigay ng maling mensahe sa pandaigdigang komunidad.
Ngunit tumindig ang Doc Edge laban sa panawagan ng China. Ayon kay Rachel Penman, general manager ng festival, tinanggihan nila ang kahilingan ng Chinese Consulate at iginiit ang kanilang suporta sa lahat ng filmmakers.
Ang dokumentaryo na idinirehe ni Baby Ruth Villarama ay nagwagi ng Tides of Change Award sa ilalim ng Best Festival Category sa Doc Edge 2025—isang mahalagang tagumpay para sa Pilipinas. Ipinakita sa pelikula ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea, at unang ipinalabas noong Hunyo 30 sa Auckland bilang bahagi ng world premiere.
Samantala, nagpahayag ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga nasa likod ng award-winning documentary. Ayon sa kanilang pahayag, mariin nilang pinupuri ang pagtatanggol sa katotohanan at soberanya ng bansa, gayundin ang pagbibigay-liwanag sa mga reyalidad na kinakaharap ng mga Pilipinong mangingisda at maritime defenders sa West Philippine Sea.