--Ads--

Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Cordon Isabela ang tulong sa pamilya ng lalaking nalunod sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Paolo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Florence Zuniega ng Cordon Isabela, sinabi niya na nagsagawa na sila ng pulong katuwang ang mga concerned agencies upang talakayin ang naturang insidente at pag-ibayuhin pa ang paghahanda sa mga ganitong sakuna.

Agad naman niyang inatasan ang MSWDO kasama ang MDRRMO na magtungo sa bahay ng pamilya para ibigay ang tulong at para alamin din kung ano pa ang kanilang pangangailangan.

Pangunahing ibibigay ng lokal na pamahalaan ang burial at financial assistance maliban pa sa maaring ibigay ng pamahalaang panlalawigan dahil ito ang unang typhoon related death sa lalawigan.

--Ads--

Batay sa imbestigasyon ng pulisya nagtungo ang biktima sa Purok 5 ng nasabing barangay upang bumili ng bigas. Pinayuhan umano siya ng kanyang kapatid na huwag nang bumalik agad sa kanilang bahay dahil sa masamang panahon. Ngunit nagpumilit ang biktima na tumawid sa ilog sakay ng kalabaw, na nauwi sa kanyang pagkalunod.

Nagtulungan ang mga kaanak ng biktima sa paghahanap at natagpuan ang kanyang katawan kinagabihan, mga limampung metro ang layo mula sa inaasahang daraanan nito.