Naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 6.4% Gross Domestic Product (GDP) Growth rate sa lalawigan ng Isabela mula 2023 hanggang 2024 mas mataas kaysa sa 4.6% nitong record noong 2022-2023.
Ayon sa ulat, pangunahing nagtulak sa naturang pag-unlad ang sektor ng industriya, services, at agrikultura.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSA Isabela Chief Statistical Specialist Julius M. Emperador, sinabi nitong inaasahang mapapanatili ang positibong trajectory ng ekonomiya ng Isabela sa susunod na taon.
Kabilang sa mga itinuturong salik ang pagpapatuloy ng mga programa sa imprastruktura, modernisasyon ng agrikultura, digitalisasyon, at ang tuloy-tuloy na suporta sa mga maliliit na negosyo.
Nanguna ang sektor ng industriya na nagtala ng 13.4% na growth, bunsod ng pagbangon ng manufacturing at construction activities sa lalawigan. Pumangalawa ang sektor ng services na nagtala ng 6.2% growth, na pinangunahan ng wholesale at retail trade, transportasyon, at mga financial services.
Samantala, nagtala ng 0.7% na bahagyang paglago ang sektor ng agrikultura, forestry and fishing (AFF), sa kabila ng epekto ng El Niño at iba pang hamon sa produksyon.
Inilabas din ng PSA ang datos ukol sa bahagi ng bawat sektor sa regional economies para sa taong 2024. Naitala ang 49.8% share ng AFF sa kabuuang output sa rehiyon, habang may 40.7% ang industriya at 44.3% ang services.
Ipinakikita ng datos na nananatiling mahalaga ang agrikultura sa rehiyon, habang patuloy ding lumalawak ang kontribusyon ng mga sektor ng industriya at serbisyo sa ekonomiya.
--Ads--











