--Ads--


Nananatili pa rin sa ospital ang pitong biktima ng banggaan ng isang SUV at isang truck na may kargang ipa kahapon sa bahagi ng National Highway, Barangay Sillawit, Cauayan City, Isabela.

Batay sa ulat ng BGD Command Center, dalawa sa mga biktima ang dinala ng Rescue 922 sa ospital na parehong walang malay, habang lima naman ay conscious at kasalukuyang inoobserbahan ng mga doktor.

Napag-alamang isa sa dalawang unconscious na biktima ay sumailalim na sa operasyon kagabi at patuloy na nagpapagaling.

--Ads--

Sa isinagawang beripikasyon ng mga otoridad, nakumpirmang isang pulis ang drayber ng SUV na kinilalang si Alyas “Eddie”, 42-anyos, na kasalukuyang nakatalaga sa Caloocan City Police Station.

Batay sa imbestigasyon, nagmula umano sa Metro Manila ang pamilya at patungo sana sa bayan ng Naguilian, Isabela upang gunitain ang Undas nang mangyari ang salpukan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLTCOL. Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi niyang hindi pa nakakapag-usap sa ngayon ang dalawang panig.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon hinggil sa sanhi ng aksidente at sa kabuuang halaga ng pinsala.