Tinitingnan ng Department of Health (DOH) at ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapalawak ng benepisyo para sa middle-income workers, partikular ang mga direktang nagbabayad ng kontribusyon.
Sinabi ni Health Secretary Teodoro Ted Herbosa na matagal nang nakatuon ang PhilHealth sa sponsored o indirect members na hindi nagbabayad ng premium dahil sinasagot ito ng gobyerno. Dahil dito, inatasan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ahensya na repasuhin at pagandahin ang benepisyo para sa direct contributors o middle class.
Ayon kay Sec. Herbosa, iminungkahi ni Executive Secretary Ralph Recto ang ilang enhancements para sa middle-income members, kabilang ang mas maayos na hospital accommodations at karagdagang packages sa ilalim ng Zero-Balance Billing program.
Kabilang din sa mungkahi ang pagdaragdag ng PhilHealth package para sa mga ospital na nagpapatupad ng zero-balance billing, partikular sa mga hospital na pinatatakbo ng local government units.
Kinumpirma naman ni PhilHealth Senior Vice President at Health Finance Policy Sector head Dr. Israel Pargas na may direktiba mula sa Pangulo at kay Recto upang palawakin ang benepisyo para sa middle-income workers, alinsunod sa mandato ng PhilHealth na magbigay ng karagdagang programs para sa direct contributors kung ito ay applicable.











