Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko, lalo na sa mga kabataan, laban sa paggamit ng vape dahil sa cadmium at iba pang mapanganib na kemikal na maaaring makasama sa kalusugan.
Ayon sa DOH, maaaring makapinsala sa bato at mga buto ang cadmium, isang nakalalasong metal na natatagpuan sa aerosol ng vape. Ang matagal na pagkakalantad dito ay maaari ring magpataas ng panganib ng kanser.
Bukod sa cadmium, maaari ring magtaglay ang vape aerosol ng iba pang mapanganib na kemikal gaya ng benzene, diacetyl at acrolein.
Dahil dito, sinuportahan ng DOH ang panukalang itaas ang buwis sa mga produktong vape upang maging mas mahal at hindi gaanong madaling makuha ang mga ito, partikular ng mga kabataan.
Samantala, nagmumungkahi ang Department of Finance ng iisang excise tax na ₱72.93 kada dalawang mililitro o dalawang gramo para sa mga e-cigarette at heated tobacco products, bukod pa sa ₱150 na buwis kada device. Sa kasalukuyan, magkaiba ang pagbubuwis sa e-liquids depende kung salt nicotine o freebase nicotine ang taglay ng mga ito.











