Tinutukoy na ng Department of Health (DOH) Region 2 ang mga lugar sa rehiyon na higit na nangangailangan ng tulong bilang paghahanda sa posibleng matinding tagtuyot o Super El Niño sa mga susunod na buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Guia Comillas, Head ng Local Health Division ng DOH Region 2, sinabi niyang naipamahagi na sa mga yunit ng pamahalaan ang mga kinakailangang kagamitan at suplay para sa mga health office. Dahil dito, nakatuon na ngayon ang ahensya sa maagang paglalagay ng mga ito sa mga lugar na posibleng mangailangan ng agarang tulong.
Ayon kay Comillas, patuloy ang pakikipagpulong nila sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy kung aling mga munisipalidad ang dapat unahing bigyan ng suporta.
Kabilang sa kanilang sinusuri ang bilang ng mga bata at matatanda na mas bulnerable sa matinding init, gayundin ang mga magsasakang posibleng maapektuhan at mga residenteng maaaring unang makaranas ng kakulangan sa suplay ng tubig.
Samantala, naghahanda na rin ang limang DOH hospital sa rehiyon sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kagamitang pang-ipon ng tubig-ulan, paggamit ng solar power, at pagsasaayos ng iba pang pasilidad upang matiyak ang pagpapatuloy ng kanilang mga serbisyo.
Pinayuhan naman ni Dr. Comillas ang lahat na magtipid sa paggamit ng tubig, uminom ng sapat na tubig upang maiwasan ang dehydration, at iwasan ang matagal na pagbibilad sa araw, lalo na sa pinakamainit na oras. Higit na bantayan ang kalagayan ng mga bata, matatanda, at mga taong may karamdaman.











