--Ads--

Matagumpay na nadepensahan ng San Miguel Beermen ang kampeonato sa PBA Philippine Cup, lalo pang pinagtibay ang kanilang reputasyon bilang pinakamarangyang prangkisa sa liga.

Pinangunahan ni Leo Austria at ng kanyang mga alaga ang panalo para sa ika-12 All-Filipino crown sa kauna-unahang pay-for-play league sa Asya matapos talunin ang TNT Tropang 5G, 92-77, sa Game 6 ng Season 50 Finals nitong Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang back-to-back All-Filipino title ng Beermen kontra Tropang 5G ay nagbigay sa kanila ng ika-31 kampeonato sa kasaysayan ng liga. Muli, nanguna si June Mar Fajardo, ang 6-foot-10 na higante mula Cebu, na nagtala ng 29 puntos, 23 rebounds, dalawang assists, dalawang steals, at isang block. Siya rin ang tinanghal na Finals Most Valuable Player, bilang unang tumanggap ng bagong Ramon Fernandez Trophy.

Maagang kumamada ang San Miguel sa pamamagitan ng 26–5 run matapos magsimula ng 12 sunod-sunod na puntos, dahilan upang maagaw nila ang kontrol sa laro.

--Ads--

Gayunman, binuhay ni Calvin Oftana ang opensa ng Tropang 5G sa kanyang sariling 14–0 run, na sinundan pa ng basket mula kay Glenn Khobuntin, kaya’t nabawasan ang agwat sa 26–21 at nanatiling dikit ang laban.

Umabot pa sa 68–66 ang kalamangan ng TNT matapos ang three-pointer ni Jordan Heading sa huling 1:58 ng ikatlong kwarter. Subalit agad bumawi ang San Miguel sa pamamagitan ng 10–0 run para sa 76–68 abante — kalamangang naging sapat upang masiguro ang tropeo para sa Beermen.