--Ads--

Tuloy-tuloy ang isinasagawang voter registration ng Commission on Elections (Comelec) Isabela kaugnay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gaganapin sa Nobyembre ngayong taon.

Ayon sa Comelec Isabela, kabilang sa kanilang kasalukuyang mga aktibidad ang pagkuha ng listahan ng mga pangalan ng mga incumbent o kasalukuyang opisyal na maghahain ng Certificate of Candidacy (COC).

Layunin nito na maiwasan ang mga pagkakamali, partikular na ang posibleng paglabag sa Anti-Dynasty provision, na nagbabawal sa sabayang pagtakbo ng mga magkakamag-anak sa iisang halalan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Manuel Castillo ng Comelec Isabela, sinabi niya na ang mga maaaring tumakbo sa halalan ay hindi dapat may kaugnayan hanggang 2nd degree ng consanguinity o pagkakamag-anak, alinsunod sa umiiral na patakaran laban sa political dynasty.

--Ads--

Aniya, upang maiwasan ang sabayang pagtakbo ng mga magkakamag-anak sa iisang halalan, agad na kinukuha ng Comelec ang listahan ng mga pangalan ng mga naghain ng COC. Kapag may natukoy na magkakapareho ng apelyido, agad itong binibigyan ng babala at ipinapaliwanag ang mga posibleng kahihinatnan sakaling ipagpatuloy ang kanilang kandidatura. Sa ganitong paraan, may pagkakataon pa silang huwag ituloy o kaya ay i-withdraw ang kanilang COC habang bukas pa ang filing period.

Kung sakaling makalusot ang naturang sitwasyon sa lokal na antas, may pagkakataon pa ring i-withdraw ng mga sangkot ang kanilang kandidatura bago tuluyang maisumite ang mga Certificate of Candidacy sa Comelec Central Office sa Maynila. Gayunman, kapag ang Comelec sa Maynila na ang nakadiskubre na may magkakamag-anak na naghain ng COC na labag sa Anti-Dynasty provision, ang nasabing tanggapan na mismo ang magsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.

Dagdag pa ni Atty. Castillo, ang mga lalabag sa Anti-Dynasty provision ay maaaring patawan ng parusa na bagama’t mababa ang multa ay walang probation. Bukod dito, maaari rin silang maharap sa disqualification sa paghawak ng anumang pampublikong posisyon, maging ito man ay sa pamamagitan ng appointment o eleksyon.