--Ads--

Magbubukas ang tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) Cauayan City sa Nobyembre 30, Araw ni Andres Bonifacio, upang tumanggap ng mga nais magparehistro at mag-asikaso ng kanilang voter registration records.

Ayon kay Atty. Johanna Vallejo, Election Officer ng COMELEC Cauayan, bukas ang kanilang tanggapan mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon sa kabila ng regular holiday.

Kabilang sa mga serbisyong maaaring makuha ang bagong registration, transfer, reactivation at correction of entries.

Kinakailangan namang personal na magtungo ang mga bagong aplikante at magdala ng kahit isang valid ID. Kung walang ID, maaaring magsama ng rehistradong botante sa parehong barangay na makapagpapatunay ng kanilang pagkakakilanlan at paninirahan sa pamamagitan ng affidavit.

--Ads--

Tiniyak din ni Vallejo na walang bayad ang mga serbisyo kaugnay ng voter registration at pagkuha ng voter’s certification.

Hinikayat naman ang mga kwalipikadong residente na samantalahin ang pagkakataong ito upang maasikaso ang kanilang mga dokumento.