Suportado nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at ng Department of Finance ang panukala ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na i-abolish ang travel tax.
Ayon kay Marcos, maghahain si Zubiri ng counterpart bill sa Senado at isusulong nilang mapasama ito sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council upang agad na maipasa.
Kinumpirma rin ni Marcos na nakausap na niya si Finance Secretary Frederick Go, na nagpahayag ng buong suporta sa panukala at nangakong hahanap ng alternatibong pondo para sa mga programang pang–higher education na kasalukuyang pinopondohan ng travel tax.
Giit ni Marcos, hindi na angkop ang travel tax sa kasalukuyang panahon at nagiging pabigat ito sa mga biyahero. Aniya, mas makabubuti ang pag-alis nito upang mapalakas ang lokal at internasyonal na turismo at makatulong sa mga Pilipino at dayuhang turista.
Bagama’t iginagalang niya ang pagtutol ni Tourism Secretary Christina Frasco, iginiit ni Marcos na mababa ang kakayahan ng TIEZA sa epektibong paggamit ng pondo. Dagdag pa niya, mas malaki ang magiging positibong epekto sa ekonomiya ng pag-abolish ng travel tax kumpara sa kasalukuyang paggamit ng pondo para sa mga proyektong limitado ang epekto.










